^

Punto Mo

Takot ka ba sa saging?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

MERON palang tinatawag na bananaphobia. Isa itong klase ng matinding takot sa saging nang walang makatwirang dahilan.

Naging “trending” kamakailan ang bananaphobia nang ma­bunyag ang malaking takot sa saging ng gender equality minister ng Sweden na si Paulina Brandberg. Mahigpit niyang ipinagbabawal ang saging sa kanyang tanggapan at sa lahat ng lugar at mga okasyong kanyang pinupuntahan.

Noon pang 2020 ay inamin na niya na takot siya sa saging at nagpapatulong na siya sa mga dalubhasa para malunasan ang kalagayan niyang ito.

Bihira at hindi karaniwan ang bananaphobia pero nangyayari talaga ito sa ilang mga tao, ayon sa fearof.net (the ultimate list of phobia and fears).

Isang klase ng mental disorder ang bananaphobia na kadalasang nagsisimula noong maliit pang bata.

Maaaring noong araw na maliit pa siya, pinipilit siyang pakainin ng saging na dahilan para manakit ang kanyang tiyan o magsuka. Nariyan din ang masasamang karanasan na merong kinalaman sa saging.

Halimbawa, nadulas at nadapa siya nang makatapak ng balat ng saging, nabulunan minsan habang kumakain nito o merong nagbiro sa kanya gamit ang saging na kanyang ikinapahamak o ikinabuwisit o dumaan siya sa mga pangit na karanasan na dahilan para siya mandiri, mangilabot, mataranta, mabalisa mabuwisit, matulala o nerbiyusin kapag nakakakita, nakakahawak o nakaaamoy ng saging.

Karaniwang sintomas ng ganitong kundisyon ang pagsusuka, pagkahilo, pagsama ng sikmura, pagkakaroon ng panic attack o anxiety. Pakiramdam ng merong bananaphobia, sinasakal siya, pinagpapawisan at nanginginig.

Sinasabing nakakatulong na mapangibabawan ang bananaphobia ang pagrerelaks. Isa sa unang hakbang para malabanan ito ay ang pagkilala na hindi makatwiran ang ganitong takot. Subukang pumikit, ilarawan sa isip ang isang saging malayo sa iyo habang humihinga nang malalim.

Hindi naman ito agad-agad na makakagamot sa phobia pero isa itong magandang simula. Ilang tao naman ang nawawala ang ganitong phobia makaraang dumaan sa hypnosis o nagpagamot sa isang therapist o psychiatrist.

Ayon sa Klarity, ang panggagamot sa bananaphobia ay kahalintulad ng ginagawa sa ibang phobia tulad ng counseling at diagnostic.

Ilan sa panggagamot ang tinatawag na exposure therapy (iniharap ang pasyente sa saging), Systematic Desensitisation (pagrerelax para maging kalmado sa kanilang takot at pagkabalisa, at pagtukoy sa takot at unti-unting pagharap sa larawan ng saging o ng aktuwal na saging), Cognitive Behavioural Therapy (pagkilala sa walang katwirang kaisipan at ihalili dito ang mas malusog at makatwiran), at medication.

Nagkakaroon ng bananaphobia ang isang tao dahil sa masasamang karanasan na nagtuturo at nagsanay sa kanya sa mga mali o palpak  na usapin o bagay hinggil sa saging at nakundisyon dito ang kanyang pag-iisip. Nababalisa at naguguluhan siya kapag nakakakita, nakakaamoy at nakakahawak ng saging. Pero, tulad ng ibang phobia, nagagamot naman ito at napapangibabawan.

Ang mga may bananaphobia ay maaari ring magsaliksik hinggil sa saging at kung paanong hindi naman ito nakakasakit. Makakatulong din ang pampalakas-loob ng kanilang pamilya at mga kaibigan at tulong ng mga ito habang nagpapraktis ang pasyente sa pagharap sa saging.

-oooooo-

Email: [email protected]

PHOBIA

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with