May panunumpa dahil sa kasinungalingan
SA pagdinig para sa Office of the Vice President (OVP) na ginawa kamakailan ng Good Government and Public Accountability Committee ng Kamara, tumanggi si VP Sara Duterte na manumpa, gaya ng nakaugaliang panuntunan sa sinumang saksi o resource person sa mga pagdinig in aid of legislation. Pinayagan din ng komite na hindi manumpa si Duterte, bagamat ang iba pang opisyales at kawani ng OVP ay nagsipanumpa.
Sinabi ni Duterte na ang naturang pagdinig ay hindi naman in aid of legislation, kundi in aid of impeachment, upang makahanap ng mga dahilan para maialis siya sa tungkulin bilang Vice President. Hindi layunin ng ating usapan na alamin kung ano nga ang totoong layunin ng pagdinig—in aid of legislation ba o impeachment?
Ang gusto kong pag-usapan natin ay ang tungkol sa panunumpa. Ginagawa ang panunumpa ng isang saksi o maging ng isang resource person sa pagdinig ng korte o ng Kongreso upang tiyakin na ang taong ito’y magsasabi ng katotohanan at pawang katotohanan lamang.
Karaniwang praktis ang panunumpa habang nakapatong ang kaliwang kamay sa Konstitusyon bilang paalala na ang pagsisinungaling ay maaaring humantong sa parusa ng batas, o kaya naman ay sa Bibliya bilang paalala na ang pagsisinungaling ay maaaring humantong sa impiyerno.
Kinailangang isagawa ang mga panunumpang tulad nito dahil sa kalikasan ng tao na magsinungaling. Kung likas sa tao ang laging pagsasabi ng totoo, hindi na kailangan ang panunumpa. Halimbawa, ang isang asawa na laging nagsisinungaling ay maaaring hilingan ng asawa na sumumpa muna ito kung nagsasabi ng totoo. At ang karaniwang panunumpa ay ito, “Mamatay man ako.”
Inaasahan ni Hesus sa sinumang Kanyang tagasunod na ito’y may palabra de honor, laging totoo ang sinasabi, kung kaya’t hindi na kinakailangang manumpa. Noong panahon ni Hesus, ang tao’y nanunumpa sa pangalan ng Diyos, isang bagay na hindi marapat gawin. Sabi ni Hesus sa Mateo 5:37, “Sabihin mo na lang na ‘Oo,’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa Masama.”
Ito ang problema sa mundong pinaghaharian ng kasinungalingan, maaaring “oo” ang sinasabi, ngunit ang totoo pala’y “hindi.” O maaaring “hindi” ang sinasabi, ngunit ang totoo pala’y “oo.” Sa panahon natin ngayon ng “fake” at deep fake,” hirap na tayong kaagad mawari kung ang isang bagay ay tunay o peke.
Kapag may eleksiyon, lalong nagiging matamis ang dila ng mga sinungaling, kung kaya’t may mga nananalo sa eleksyon sa plataporma ng kasinungalingan. Nakatulong nang malaki ang social media sa paglaganap ng kasinungalingan. Kaya ngayon ay labanan ng kasinungalingan. Ang pinakamahusay magsinungaling ay karaniwang nagwawagi.
Honesty is the best policy, sabi ng matandang kawikaan. Ang katapatan ang pinakamainam na patakaran. Totoo naman ito. Kung ang mga lider lang natin ay tapat sa kanilang salita, walang magiging katiwalian sa gobyerno. Hindi na kailangan pang manumpa ang sinuman sa anumang pagdinig na isinasagawa.
Sa bagong Pilipinas na isinusulong ng kasalukuyang administrasyon, ang unang kailangang gawin ay ang pagbabalik ng mahigpit na pagyakap sa pilosopiya ng palabra de honor. Sa ngayon kasi, puro palabra, puro salita, pero walang honor, walang dangal. Kung ninanais nating maitatag ang bagong Pilipinas, dapat ay maitatag natin ang pilosopiyang, “Ang ating salita ay siya nating dangal”.
- Latest