Taxi driver na holdaper!
NGAYONG papasok na ang buwan ng Disyembre, in demand na naman ang mga taxi lalo na sa mga shoppers.
Kaya nga pagsapit ng ganitong panahon, marami sa mga driver ang nagiging pasaway komo nga marami ang nangangailangan sa kanila.
Pasaway sa paraang nand’yan ang namimili ng mga pasahero, nand’yan ang nangongontrata at paghingi ng dagdag na halaga bukod sa lumabas na halaga sa kanilang metro at marami pang iba.
Kasabay pa rin nito, parami nang parami ang insidenteng pagsalakay ng mga kawatan na taxi driver.
Ito ang mga driver-holdaper at ang tinatarget ay ang kanilang mga pasahero.
Sa Quezon City lamang nitong nakalipas na mga araw, dalawang babae ang tinarget ng mga taxi-driver na holdaper.
Isa sa mga ito ay pinagbabaril pa at malubhang nasugatan.
Biruin pa na halos sa tapat pa ng Camp Crame sumakay ang babaeng biktima at pagdating sa may Ortigas ay doon walang sabi-sabi na binaril agad ng driver ang kanyang pasahero saka kinuha ang gamit nito.
Sa isa pang insidente, isang babae rin na pasahero ang hinoldap din ng taxi driver na kanyang nasakyan. Bukod dito, tinangay din ng suspect ang motorsiklo naman ng isang MMDA traffic enforcer.
Hindi lang ’yan ang halos sunud-sunod na nangyayaring krimen na ang sangkot ay taxi driver. Dito dapat na kumilos hindi lang ang mga awtoridad o mga ahensiyang sangkot kundi maging mismong ang mga operator.
Dapat ding maging maingat ang mga operator sa pagkuha ng kanilang mga driver. Huwag basta kuha nang kuha ng hindi naman na kukuhanan man lang ng background ang mga ito.
Sa panig naman ng mga ahensiya ng pamahalaan, dapat sigurong magkaroon ng mahigpit na panuntunan kung saan ang bawat driver lalo na sa taxi ay dapat na may malaking ID na may malaking litrato ng driver kasama ang pangalan na nakasabit sa minamaneho nilang sasakyan na katulad ng sa ibang bansa.
Sa mga pasahero, ibayong pag-iingat na rin ang kailangan. Pagsakay na pagsakay pa lang, kunin na sa tagiliran ng pintuan ang plaka ng taxi na inyong sinakyan at i-text na agad sa inyong kaanak o kaibigan.
Isang paraan ito, para agad na makuha ang impormasyon sa inyong sinakyan para gumawa man ng kalokohan ang driver madaling matunton kung sino man ang kanyang pinaglilingkuran.
- Latest
- Trending