Galit
NAGSUMBONG ang sekretarya sa kanyang manager na sinisiraan daw siya ng isang kapwa sekretarya na naka-assign sa ibang department. Ano raw ba ang kanyang dapat gawin dahil sa oras na iyon ay parang puputok ang ulo niya sa galit ng naninira sa kanya.
“Gumawa ka ng sulat sa taong kinagagalitan mo at sabihin ang lahat ng nais mong iparating sa kanya,” payo ng manager.
Agad gumawa ng sulat ang sekreatarya. Ibinuhos niya ang lahat ng kanyang galit sa sulat. Gumamit siya ng mga salitang kahit aso ay hindi kayang kainin. Matapos i-type at i-print ang ginawang sulat ay ipinabasa niya ang sulat sa kanyang manager. Matapos mabasa ng manager ang sulat ay sinabi nito sa sekretarya na sunugin ang sulat.
“Bakit?” tanong ng sekretarya.
“Nailabas mo na ang iyong galit habang ginagawa mo ang sulat na iyan, and that is enough. Tuldukan mo na ang inyong away. Nakaiwas ka pa sa gulo.”
“Pero sir, gusto kong maiparating sa hayop na babaing ‘yon na galit ako sa kanya.”
Nagkibit balikat ang manager. “Bahala ka, pero walang sisihan sa bandang huli,” babala nito sa sekretarya.
Ipinadala pa rin ng sekretarya ang kanyang sulat sa kaaway. Makalipas ang ilang araw ay nagkasalubong ang magkaaway. Ano pa ang dapat asahan? Nag-umpisa sa murahan at natapos sa sabunutan at sampalan ang pagkikitang iyon. Ang ending ng istorya ay suspension ng dalawa sa trabaho.
- Latest
- Trending