Dapat pasiputin ng Senado si Napoles

HINDI na kailangan pang daanin sa isang caucus ng mga senador ang usapin kung dapat bang pasiputin o i-subpoena si Janet Lim-Napoles. Sa halip na caucus, magbotohan na lang ang mga senador sa oras mismo ng kanilang sesyon upang magkaalaman na kung sinu-sinong mga senador ang kontra sa pagsipot ni Napoles.

Magandang malaman ng publiko  kung sino sa mga senador ang boboto na pabor o hindi sa nasabing usapin. Kung caucus kasi ay masyadong lihim ito sa publiko.

Makakabuting sa lalong madaling panahon ay matapos na agad ang nasabing isyu  at magpatuloy na ang imbestigasyon ng senado. Dapat magkaroon na ng kaliwanagan sa usapin nang paglustay sa pork barrel.

Sa 20 taon ko bilang mediaman, ngayon lang nangyari ito na kailangang ikonsulta muna sa Ombudsman kung dapat bang padaluhin ang isang personalidad tungkol sa pinag-uusapang kaso. Sa nakaraang mga balangkas ng Senado ay ipinaglalaban nito ang kanilang karapatan na magpatawag ng sinumang personalidad para humarap sa isang imbestigasyon.

Ngayong lumalakas ang ingay sa PDAF at nadagdag pa rito DAP, wala nang magagawa pa ang liderato ng Senado kundi pasiputin si Napoles. Kahit pa sabihing hindi naman magsasalita si Napoles, pinaka-importante ay mapasipot siya sa Senado.

Uhaw na ang taumbayan sa kalalabasan ng imbestigasyong ito at kung may mapaparusahang senador at iba pang opisyal ng gobyerno sa paglustay sa PDAF at DAP.

 

Show comments