WALA akong nakikitang masama sa ginagawang pagpoprotesta ng mga estudyante kaugnay ng pagpapakamatay ng UP-Manila student na si Kristel Tejada. Si Tejada ay nag-suicide dahil hindi makabayad ng matrikula.
Bahagi ng demokrasya ang ginagawa nilang pagpoprotesta na komokondena sa pamunuan ng UP-Manila sa mga patakaran na nakaaapekto sa mga mahihirap na estudyante. Nakadidismaya lang, bakit kailangan pang manira ng mga gamit ang mga estudyante? Maari namang magprotesta sa maayos na pamamaraan.
Kulang na nga sa pondo ang state universities sa pagsasaayos ng mga pasilidad ay sisirain pa ng mga estudyante. Masyadong over acting na sila. Sinasamantala ang isyu ng pagkamatay ni Kristel. Puwede naman silang maghain ng demanda o araw-araw na magprotesta basta’t hindi maaapektuhan ang kanilang pag-aaral.
Ako ay nakikiiisa sa pagkondena sa pamunuan ng UP-Manila dahil hindi nila masyadong natimbang ang mga ipinatutupad na polisiya lalo sa late payments ng matrikula. Kung ilang beses ng nakiusap si Kristel pati kanyang mga magulang dahil walang pambayad sa matrikula e bakit hindi na lang inilipat ng bracket E upang wala nang mabayaran. Puwede namang imbestigahan ng pamunuan ng unibersidad kung bakit hindi nakakabayad ng matrikula. Kung mapatunayan na dahil sa sobrang kahirapan, puwedeng mag-adjust ang unibersidad upang maisulong ang interes ng mga estudyante lalo na ang mga mahihirap.
Hindi ako kumbinsido sa paliwanag ng UP na hindi naman daw pinapaboran ang mga mayayamang estudyante. Kung sino raw ang makakapasa sa UP College Admission Test (UPCAT) ay kuwalipikadong makapag-aral sa unibersidad.
Kapag ang isang estudyante ay mula sa mayamang pamilya, malaki ang bentahe na makapasa sa UPCAT. Galing kasi sila sa mga pribadong eskuwelahan na napakaganda ng pundasyon ng edukasyon. Bukod pa rito, mag-eenrol sa review center kaya mas malaki ang pagkakataon na makalusot sa UPCAT. Samantalang ang mga mahihirap na estudyante ay purong talino lang at galing sa public school.
Dapat ibahin ang passing grade ng mga mayayamang estudyante kumpara sa mga mas mahihirap upang mas maging parehas naman sa lahat. Umaasa ako na magsisilbing wake up call sa state universities and colleges ang pagpapatiwakal ni Kristel para magkaroon ng reporma sa sistema.