9 lulan ng 5 bangka, hinuli ng PCG
MANILA, Philippines — Siyam katao na lulan ng limang fishing bancas ang hinuli ng mga tauhan ng Coast Guard Station Occidental Mindoro (CGSOM) kamakalawa bunsod umano ng ilegal na pangingisda sa katubigang sakop ng Occidental Mindoro.
Ayon sa CGSOM, kasalukuyang nagsasagawa ang kanilang mga tauhan nang pinaigting na seaborne patrols sa naturang lugar upang protektahan ang mga marine resources at ipatupad ang fisheries laws nang maaktuhan ang mga bangka habang ilegal na nangingisda.
Anang CGSOM, ilan sa mga nakita nilang paglabag ay ang kawalan ng mga ito ng Municipal Agriculture Office (MAO) documents on board, kawalan ng Safety Security and Environmental Numbering (SSEN), at paglabag sa ilang lokal na ordinansa, partikular na ang Municipal Ordinance No. 03, Series of 2022 o ang Municipal Fisheries Ordinance of Mamburao.
Tinukoy rin ng CGSOM ang paggamit ng mga ito ng isang improvised breathing apparatus, na tinatawag na “compressor,” na paglabag naman sa Municipal Ordinance No. 287 na may petsang Hunyo 9, 1993.
- Latest

















