Nationwide tigil-pasada, dinedma sa Bicol
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Muling binalewala ng pinakamalaking transport organization ng Bicol Region ang panawagan ng grupong Manibela na makiisa sa 3-araw na nationwide tigil pasada na nagsimula nitong Lunes dahil sa patuloy na isyu ng jeepney at public utility vehicle (PUV) modernization program ng gobyerno.
Ayon kay Juemil Mujar, lider ng Bitcoop o Bicol Inter City Transport Cooperative na may malawak na miyembro na pumapasada sa mahigit isang libong ruta sa Kabikolan ay muli nilang ibinasura ang panawagang lumahok sa malawakang tigil pasada at nanindigang patuloy silang magbibigay ng serbisyo sa mga mananakay na umaasa lamang sa mga pampublikong sasakyan.
Binigyang diin nito na ang maayos na pakikipag-usap at dayalogo sa kaukulang ahensya ng pamahalaan ay mas magandang paraan hinggil sa isyu ng PUV modernization program at ang pagkilos ay malaking abala lamang sa publiko.
Naging normal ang sitwasyon ng transportasyon sa buong rehiyon at walang namonitor na nakiisa sa tigil-pasada kamakalawa.
Gayunman, ang Police Regional Office 5 sa pangunguna ni regional director Brig.Gen.Andre Perez Dizon ay muling inihanda ang kanilang mga PNP trucks at police patrol vehicle sa ibat-ibang police station sa rehiyon upang magbigay ng libreng sakay sa mga maapektuhan.
- Latest