MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Nanawagan si Bulacan Governor Daniel Fernando kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na repasuhin ang Memorandum Order No. 31, Series of 2018 na nagsususpinde sa pagproseso ng mga bagong lisensya at permit para sa paggawa, pagbebenta, at distribusyon ng mga paputok at pailaw.
“Nakikiusap po tayo sa ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos na sana sa pamamagitan niya, sa kanyang administrasyon, ay matapos na ang review ng Memorandum 31 na ito at nang matulungan natin ang ating mga mamamayang Bulakenyo na makapag-hanapbuhay kasi naniniwala po tayo na ang ating Micro and Medium Enterprises ang magtataas sa kalidad ng ating ekonomiya,” ani Gov Fernando sa ginanap na Joint Pyrotechnics Regulatory Board (PRB) and Philippine National Police (PNP) Fireworks Stalls inspection and media briefing sa Santiago Compound, Brgy. Turo, Bocaue, Bulacan noong Miyerkules.
Idiniin din ng gobernador ang layunin ng Pamahalaang Panlalawigan na suportahan ang industriya ng paputok at pailaw habang pinananatili ang kaligtasan ng publiko kaya nilinaw niya ang terminong “Ingat Paputok” hindi “Iwas Paputok”.
Kaugnay nito, inilabas ni Fernando ang Executive Order No. 40, series of 2024 na sumusuporta sa pagpapatupad ng kampanyang “Oplan Ingat Paputok” na magsusulong sa kaligtasan ng publiko at mangangasiwa sa industriya ng pailaw sa Lalawigan ng Bulacan.
Samantala, siniguro ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco D. Marbil sa publiko na titiyakin nila na lahat ng paputok at pailaw na ginagawa at ibinebenta ay sumusunod sa batas; po-protektahan nila ang industriya; at nangangako ng isang ligtas na pagdiriwang ng bagong taon.
Pinag-iingat naman ni Civil Security Group director PMGen. Leo M. Francisco ang publiko sa pagbili ng mga pailaw at paputok online dahil ipinagbabawal ito.