Danger zone ng Kanlaon, planong palawigin ng 10km

A photo of Kanlaon Volcano's crater captured on December 14, 2024.

MANILA, Philippines — Pinaplano na ng Office of Civil Defense-Western Visayas na palawigin ang permanent danger zone (PDZ) mula sa 6 kilometro sa 10 kilometro (km) dulot ng banta ng pagdaloy ng lahar mula sa Kanlaon volcano.

Ito’y kasabay na rin ng idineklarang heightened alert status sa palibot ng Kanlaon volcano sanhi naman ng nagbabantang Low Pressure Area ( LPA) sa Mindanao na inaasahang magdudulot ng malalakas na pag-ulan sa Negros Island.

“We’re also planning to move the evacuation centers that are still within that range, from six to 10 kilometers, to at least outside of the 14 km radius,” pahayag ni OCD Western Visayas Director at Task Force Kanlaon Chairperson Raul Fernandez.

Sa kasalukuyan, may 29 evacuation centers sa Negros Island at 10 fa­mily tents sa La Carlota City. Base sa report ng lokal na tanggapan ng DILG, sinabi ni Fernandez, nasa 99.17 percent na ang kanilang naipatupad na evacuation rate sa mga residente sa permanent danger zone, na nasa 5,772 pamilya o 18,475 katao.

Tiniyak naman ng opisyal sa publiko na may sapat na pagkain at non-food items para sa mga evacuees.

Samantala, dahil sa maaaring magtagal pa ang mga bakwit sa mga evacuation centers ay umapela ang opisyal ng karagdagang ayuda at tulong para sa mga apektadong pamilya sa 6km radius na puwedeng lumawig pa sa 10km permanent danger zone dahilan sa masamang lagay ng panahon.

“Based on the assessment of Phivolcs, there’s still a huge possibility of an explosive eruption anytime. This is based on the volcanic activity that is ongoing, including volcanic earthquakes,” ang sabi pa ng opisyal.

Show comments