2 bangkay ng lalaki magkasunod na natagpuan sa Rizal

MANILA, Philippines — Dalawang bangkay ng lalaki na pinaniniwalaang biktima ng “summary execution” ang magkasunod na natagpuan sa lalawigan ng Rizal.

Sa ulat ng pulisya, unang natagpuan ng isang barangay tanod nitong Disyembre 18, ang bangkay ng isang ‘di kilalang lalaki na nakabalot sa kumot sa madamo at liblib na bahagi ng sementeryo sa Brgy. Macabud, Rodriguez, Rizal.

Kasunod nito, isa pang bangkay ng ‘di kilalang lalaki ang natagpuan namang nakabalot sa kurtina at itinapon sa gilid ng kalsada sa nasabi ring bayan kahapon.

Sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, dakong alas-7:45 ng umaga nang madis­kubre ang bangkay sa gilid ng kalsada sa Sitio ­Udiongan, Brgy. Macabud.

Isang residente ang nakakita sa bangkay na nakabalot sa kurtina at iginapos ng lubid.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung iisa ang salarin sa pagpatay sa dalawang biktima dahil sa parehong paraan nang pagpaslang at pagtatapon sa bangkay ng mga ito.

Show comments