2 Grade 11 student todas sa ambush!

Ang magkaklaseng sina Muslimin Nanalong at Rafael Indong, Grade 11 students na kapwa patay na nakalublob sa tubigan makaraang tambangan at pagbabarilin ng armadong grupo sa Brgy. Inug-ug, Pikit, Cotabato nitong Martes.
John Unson

COTABATO CITY, Philippines — Patay ang dalawang estudyanteng Moro na magkaangkas sa motorsiklo nang tambangan at pagbabarilin ng mga armadong lalaki na nakapuwesto sa gilid ng kalye sa Barangay Inug-ug, Pikit, Cotabato nitong umaga ng Martes. 

Sa inisyal na ulat ng Pikit Municipal Police Station na natanggap ng mga reporters isang oras makalipas ang insidente, patungo na sana sa kanilang paaralan ang mga biktima na kinilalang sina Muslimin Nanalong at Rafael Indong, parehong Grade 11 students, nang ma-ambush sa Barangay Inug-ug.

Nagawa pang makatakbo ng dalawa sa matubig na lugar subalit pinagbabaril ng mga suspek.

 Patay agad sa mga tama ng bala si Nanalong habang sa ospital na nalagutan ng hininga si Indong.

 Mabilis na nakatakas ang mga nag-ambush sa dalawa, ayon sa mga imbestigador ng lokal na pulisya at mga barangay officials sa Inug-ug, hindi kalayuan sa poblacion ng Pikit. 

Ang nasawing magkaklase na sina Nanalong at Indong ay nakatira sa hindi kalayuang Barangay Kabasalan sa bagong tatag na bayan ng Ligawasan na sakop ng Bangsamoro region. 

Show comments