MANILA, Philippines — Patay ang isang paslit nang masagasaan ng isang ambulansiya sa Taytay, Rizal kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa Rizal Provincial Hospital System (RPHS) ang biktimang si Donn Isaiah Izaac Bagcal, 5, ng Brgy. San Juan, Taytay dahil sa matinding pinsalang tinamo sa kanyang ulo at katawan.
Arestado naman ang driver ng ambulansya na si alyas “Eugene”, 37, ng Brgy. Sta. Ana, Taytay at mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Sa ulat ng Taytay Municipal Police, alas-6:30 ng gabi nang maganap ang aksidente sa Malakas St., Ynares Avenue, Purok ll, Lupang Arenda, Brgy. Sta Ana, Taytay.
Habang minamaneho ni Eugene ang puting ambulansiya ng Brgy. Sta. Ana, na may plate no. FGI 346, at binabagtas ang Ynares Avenue, nang aksidente nitong mabangga ang batang biktima.
Kagagaling lamang umano ng ambulansiya sa Quirino Memorial Medical Center patungong Brgy. Sta. Ana, Taytay, nang maganap ang pangyayari.
Kaagad namang isinugod sa pagamutan ang bata ngunit nasawi rin.