ATIMONAN, Quezon, Philippines — Hindi na umabot pang buhay sa ospital ang isang motorcycle rider habang nasugatan ang kanyang backrider matapos na masangkot sa karambola ng tatlong sasakyan sa Maharlika Highway sa Barangay Malinao Ilaya ng bayang ito, kamakalawa ng madaling araw.
Ang biktima na nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan ay kinilalang si alyas “Jonathan”, 39, may asawa, collector at residente ng Barangay Market View, Lucena City habang mula sa Dona Martha Hospital ay inilipat naman sa isang ospital sa Lucena City dahil sa grabeng tinamong pinsala ang angkas nito na si “Jasmine”.
Batay sa ulat ng pulisya, bandang ala-1:00 ng madaling araw, sakay si Jonathan sa Yamaha motorcycle at nakaangkas si Jasmine at ang 10-anyos na si “Brent”at binabagtas nila ang highway patungo sa direksyon ng Bicol Region. Tiyempo namang kasalubong nila ang Manila bound na DLTB Bus na minamaneho ni alyas “Fernando”, 49, ng San Pablo City, Laguna.
Nagpreno umano ang bus upang iwasan ang motorsiklo subalit binangga naman ito sa likuran ng sumusunod na Nissan Urban Shuttle van na minamaneho ni alyas “Romulo” ng Gumaca, Quezon.
Pagkabangga ng van sa likuran ng bus ay tumilapon ito patungo sa kabilang linya ng daan na kinaroroonan ng motorsiklo kung kaya’t natumbok ito na naging dahilan ng pagbagsak ng mga biktima.