3 patay, 31 pa nalason sa nilutong pawikan

Agad inilibing ang tatlong nasawing etnikong Teduray (kaliwa) na taga-Datu Blah Sinsuat, Maguindanao del Norte habang ilang bata na kasama sa 31 pang katao na nalason sa kinaing lutong pawikan ang nananatiling nakaratay sa ospital.
John Unson

COTABATO CITY, Philippines — Tatlong etnikong Teduray ang namatay habang 31 na iba pa kabilang ang mga bata ang nanakit ang tiyan at nagsuka matapos na malason sa nilutong pawikan na nahuli sa karagatan ng Datu Blah Sinsuat sa Maguindanao del Norte nitong Biyernes.

Ang mga nasawi at iba pang nalason ay mga residente ng Barangay Linao sa Datu Blah Sinsuat, isang coastal municipality sa Maguin­danao del Norte.

Mismong si Datu Blah Sinsuat Mayor Marshall Sinsuat ang nagkumpirma nitong Linggo na tatlong na katutubong Teduray na sakop niya sa Barangay Linao ang nasawi sa pagkalason matapos silang sabay na kumain ng pawikan na kanilang niluto sa isang lugar sa naturang barangay.

Nagpaabot na ang tanggapan ng mayor, sa pamamagitan ng isa ring local official na si Mohamad Sinsuat, ng inisyal na tulong sa mga pamilya ng tatlong Teduray na namatay sa pagkalason sanhi ng pagkain ng pawikan.

Muli namang nagbabala si Sinsuat nitong Linggo, sa pamamagitan ng mga himpilan ng mga radyo, ang pagbabawal ng kanilang LGU sa paghuli ng pawikan sa territorial seawater ng Datu Blah Sinsuat bilang suporta sa mga sea turtle conservation programs ng Department of Environment and Natural Resources at ng natural resources ministry ng Bangsamoro region.

Kapag kinain ang kontaminadong sea ­turtle meat o pawikan ay maaari itong makalason sa tao. Ang nakakain ng nakalalasong pawikan ay puwedeng makaranas ng epigastric pain, diarrhea, vomiting o pagsusuka, burning sensation sa bibig at lala­munan, at dehydration na sanhi ng kamatayan.

Show comments