LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Makalipas ang 18 taon matapos ang delubyo ng super typhoon Reming noong Nobyembre 30, 2006, emosyonal pa ring ginunita ng mga survivors at kamag-anak ng mga nasawi at nawawala kamakalawa dito sa lungsod.
Ayon kay Fortunata Ballester, 71-anyos, napakasakit ng sinapit ng kanyang pamilya noong bagyong Reming kung saan 19-bilang ng kanyang pamilya kasama ang mga kapatid at pamangkin ang isang iglap na nawala lahat matapos ragasain ng lahar at debris ng bulkang Mayon ang kanilang lugar. Karamihan ng kanyang kaanak ay hindi na natagpuan.
Emosyonal din si Brgy. Kagawad Isidro Santander Jr., dahil sa walang kapantay na sakit pa rin ang kanyang nararamdaman matapos na masawi ang kanyang apat na anak at asawa sa bagyong Reming at hindi na natagpuan dahil sa makapal na lahar at baha na tumabon sa kanilang bahay. Masuwerte na lang umano na nabuhay siya at ang natirang bunsong anak na babae na buhay na inanod malapit sa dagat. Simula noon, hindi na siya nag-asawa at inalagaan na lang ang kanyang natirang anak na nasa 24-anyos na ngayon.
Binigyang diin ni Mayor Alfredo Garbi Jr., ito ang ilan lang sa dahilan kung bakit taun-taon ay ginugunita nila ang bagyong Reming upang hindi lang alalahanin kundi mag-ingat kapag may paparating na kalamidad.
Hindi bababa sa 1,500 katao ang nasawi sa Albay sa pagtama ni “Reming” habang higit 700-daan katao rito na nasalanta ay mula sa Brgy. Padang sa Legazpi City na karamihan ay hindi na natagpuan.
Ayon kay Mayor Garbin, sa tulong ng Ako Bicol Partylist sa pangunguna ng chairman na si Cong. Elizaldy Co ay binuhusan nila ng mga malalaking proyekto na flood control infrastructure at kalsada upang labanan ang pagragasa ng lahar at mabilis na makakaalis ang mga residente kapag may kalamidad.