MANILA, Philippines — Nasawi ang isang ginang matapos silang pagbabarilin ng kaniyang mister habang sakay ng tricycle sa Manaoag, Pangasinan.
Ang nasawing ginang na si Virgina Abacar, 57 ay nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan habang sugatan ang kaniyang 65-anyos na mister.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, alas-8:00 ng umaga ng Martes ay sakay ang mag-asawa sa tricycle at pauwi na sa Oraan East, Manaoag, nang mangyari ang pamamaril habang nakatakas naman ang mga suspek na sakay ng motorsiklo.
“Marami ng tao nung dumating ako dun. Wala, wala ng buhay talaga [‘yung babae],” sabi ni Barangay Chairman Edwin Lacaste.
“Parang wala akong alam na kasalanan o kaalitan, eh, kaya blanko kami; pati kami, nabigla,” dagdag niya.
Anim na basyo ng bala mula sa kalibre. 45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.
“Land dispute ang lumalabas. Ngayon, right after the incident, nag-conduct ng hot pursuit operation ang mga kapulisan diyan sa Manaoag, na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek,” sabi ni Police Colonel Rollyfer Capoquian, Pangasinan Police Provincial Office Director.
Ayon kay Capoquian, itinatanggi ng naarestong suspek na sangkot siya sa krimen pero may testigo umano laban dito habang isa pang suspek ang pinaghahanap.