LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nasa 3,296 bilang ng mga magsasaka mula sa apat na lalawigan ng Bicol Region ang walang pagsidlan ng tuwa at pasasalamat sa gobyerno ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos na matanggap nila kahapon ang titulo ng kani-kanilang lupang sinasaka sa ginawang distribusyon ng mga land titles at certificates of condonation at release of mortgage sa ginawang programa sa Legazpi City Convention Center sa lungsod na ito.
Pinangunahan ang distribusyon ng mga titulo ng lupa ni Department of Agrarian Reform-Bicol regional director Theodore Sindac at Sen. Imee Marcos bilang pangunahing bisita.
Ayon kay Sen. Marcos, nasa 3,691 titulo ang kanilang ipinamigay sa 3,296 na mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa mga lalawigan ng Albay, Catanduanes, Masbate at Sorsogon na may kabuuang mahigit sa 5,397-ektarya ang area covered. Nasa P88,810,223.61 ang halaga ng nasakop sa condonation program kung saan wala nang bayarin ang mga magsasaka.
Sinabi naman ni Sindac, na ang naipamigay kamakalawa ay halos mahigit 10-porsyento pa lamang sa mahigit 34-libong benepisyaryo na dapat makatanggap ng titulo.
Sa susunod na mga buwan, mamamahagi rin ng titulo ng lupa ang mabibigyan sa mga magsasaka sa Camarines Norte at Camarines Sur.