MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Supreme Court (SC) na pinal na ang kanilang desisyon na tuluyang ihiwalay ang lalawigan ng Sulu sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni SC Spokesperson Camille Ting na ibinasura ng Korte Suprema ang partial reconsideration na inihain ng BARMM, Office of the Solicitor General (OSG), at iba pa, hinggil dito.
“The decision is final and immediately executory. No further pleadings will be entertained,” ayon kay Ting.
Nauna nang sinabi ng Korte Suprema na maling isama ang Sulu sa BARMM dahil ito’y paglabag sa Article X, Section 18 ng Konstitusyon, kung saan nasasaad na tanging mga lalawigan, lungsod at geographic areas na bumoto pabor sa plebisito ang dapat na mapasali sa autonomous region.
Naghain naman ang BARMM ng apela sa SC hinggil dito at hiniling na ibalik ang Sulu sa Bangsamoro Region.
Matatandaang tinutulan ng Sulu ang Bangsamoro Organic Law (BOL) sa idinaos na plebisito hinggil dito.