1 sa 3 nakapatay ng kamag-anak, sumuko

COTABATO CITY, Philippines — Isa sa tatlong nakapatay ng isang kamag-anak nitong hapon ng Lunes sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte ang kusang loob na sumuko sa pulisya limang oras matapos ang krimen na inaagapan na ng awtoridad na lalong mauwi ito sa “rido,” o away ng mga angkan.

 Sa pahayag nitong Martes ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsa­moro Autonomous Region, pumayag na magpakostudiya na sa pulisya si Maguid Zailon Mangelen sa pakiusap ng local officials at ng hepe ng Sultan Kudarat Municipal Police Station na si Lt. Col. Esmael Madin.

 Ayon sa mga saksi, isa si Mangelen sa tatlong nakabaril at nakapatay sa kanilang kamag-anak na si Anowar Buisan sa kalagitnaan ng kanilang mainitang pagtatalo sa isang lugar sa Brgy. Bulalo, Sultan Kudarat nitong Lunes ng hapon.

 Tumakas si Mangelen at ang dalawa pang sangkot sa insidente na sina Tony Ansa at si Udtog Odin, ngunit sumuko rin ang una kalaunan at nasamsaman ng Colt .45 caliber pistol na kanyang ginamit sa pamamaril kay Buisan.

 Ayon kay Macapaz, nagtutulungan ang mga kasapi ng Sultan Kudarat Police force at mga operatiba ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office sa paghahanap kina Ansa at Odin at nagsisikap din silang maayos ang insidente ayon sa Maguindanaon tradition upang maiwasan na magka-rido o clan war, ang mga angkan ni Buisan at ng mga nakapatay sa kanya. 

Show comments