4 kalaboso dahil sa nakaw na sasakyan

Ang mga naarestong suspek ay sina Marla Marcelo, 37; Pia Martinez, 38; alyas “PJ”, Dennise Creencia, 20, at real estate agent Anthony Bautista, 54. Kinasuhan na sila ng Anti-fencing Law sa sa provincial prose­cutor’s office.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Arestado ang apat na katao na sangkot sa buy and sell car business sa isinagawang entrapment operation sa San Pedro City, dito sa lalawigan nitong Linggo ng gabi.

Ang mga naarestong suspek ay sina Marla Marcelo, 37; Pia Martinez, 38; alyas “PJ”, Dennise Creencia, 20, at real estate agent Anthony Bautista, 54. Kinasuhan na sila ng Anti-fencing Law sa sa provincial prose­cutor’s office.

Nakuha mula sa pag-iingat ng mga suspek ang isang nakaw na pulang X-Pander na kotse (DBF-8309).

Sakay ng nakaw na sasakyan ang mga suspek nang masabat ng mga operatiba ng Highway Patrol Unit-Cavite dakong alas-7:30 ng gabi, ayon kay Col. Rommel Estolano, regional director ng HPG-Calabarzon.

Ang operasyon ay nag-ugat sa reklamo ni Letecia Suzon, 58, ng General Trias, Cavite, na tinangay ang kanyang sasakyan habang nakaparada at dinala ng kanyang business partner na si Antonio Tarayao, sa General Trias City, Cavite, noong Oktubre 6.

Nakatanggap ng impormasyon ang HPG-Cavite na ang nawawalang sasakyan na pag-aari ni Suzon ay ibebenta na sana ng grupo.

Isang undercover ope­rative ng HPG-Ca­vite na umaktong poseur buyer ay nagawang makipagtransaksyon kina Marcelo at Bautista at nagkasundo na magkikita sa San Pedro City nitong Linggo. Habang ang dalawang babaeng suspek na sina Martinez at Creencia ay dinala sa nasabing tagpuan ang ninakaw na sasakyan na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.

Show comments