COTABATO CITY, Philippines — Natunton at agad na naaresto ng mga operatiba ng iba’t ibang units ng Police Regional Office-12 ang isang lalaki na wanted sa anim na mga kasong panggagahasa sa isang law-enforcement operation sa Barangay Fatima sa General Santos City nitong Miyerkules.
Sa ulat ni Brig. Gen. James Gulmatico, director ng Police Regional Office-12, natunton ng kanilang mga operatiba ang suspect, kinilala si alyas Sam, sa naturang lugar sa tulong ng mga barangay officials na alam ang kanyang kinakaharap na anim na mga kasong statutory rape.
Ayon kay Gulmatico, hindi na pumalag pa ang suspect nang dumating sa kanyang pinagtataguan at pakitaan siya ng mga warrant of arrest kaugnay ng kanyang mga kinakaharap na kaso.
Samantala, isa pang wanted, si alias Jepoy, may kasong paglabag sa Act of Lasciviousness, o paggawa ng kahalayan sa ilang mga babae, ang naaresto din nitong Miyerkules ng mga pulis na sakop ng PRO-12 sa Purok Glamang sa Barangay Datal Anggas sa Alabel, Sarangani.
Ayon kay Gulmatico, parehong nasa kustodiya na ng PRO-12 sina Sam at Jepoy, naaresto sa mga operasyong suportado ng mga local executives sa General Santos City at sa probinsya ng Sarangani.