COTABATO CITY, Philippines — Nakumpiska ng hindi unipormadong mga pulis ang P3.5 milyong halaga ng shabu sa dalawang dealers na na-entrap sa Barangay Dadiangas West, sa General Santos City nitong madaling araw ng Sabado.
Kinumpirma bandang tanghali nitong Sabado ni Brig. Gen. James Gulmatico, director ng Police Regional Office-12, ang agad na pagka-detine ng isang 46-anyos na lalaki at kanyang 19-anyos na babaeng kasama matapos silang mabilhan ng mga pulis ng P3.5 million na halaga ng shabu sa isang entrapment operation sa Purok Silway Fatima sa Barangay Dadiangas West.
Ayon kay Gulmatico, magkatuwang na nailatag ng ibat-ibang units ng PRO-12 ang naturang matagumpay na operasyon sa tulong ng mga barangay officials at ng local government unit ng General Santos City.
Ayon kay Gulmatico, ihahabla sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang suspek na pansamantalang hindi muna kinilala habang pinaghahanap pa ng mga intelligence agents ng General Santos City Police Office ang kanilang mga kasabwat sa malakihang pagbebenta ng shabu sa ilang mga barangay sa lungsod.