COTABATO CITY, Philippines — Abot sa 20 mula sa 756 na tsuper at kundoktor ng mga bus at pampasaherong van ang nagpositibo sa droga sa isinagawang drug testing ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa iba’t ibang lugar sa Region 9 nitong Huwebes.
Sa pahayag nitong Biyernes ni Maharani Gadaoni-Tosoc, director ng PDEA-9, sasailalim sa psychosocial interventions ang 20 na hindi pumasa sa drug test na kanilang isinagawa sa iba’t ibang lugar sa Zamboanga Peninsula kaugnay ng “Oplan Harabas” ng ahensya.
Ayon kay Gadaoni-Tosoc, malaki ang naitulong ng Land Transportation Office (LTO) at pulisya sa kanilang isinagawang drug testing kaugnay ng Oplan Harabas, kung saan 736 sa 756 na drivers at conductors na sumailalim dito ay pasado.
Ang Oplan Harabas ay naglalayong mailayo sa disgrasya ang mga pasahero ng mga bus at mga pampasaherong van na bibyahe sa mga highway sa Region 9 ngayong All Saints Day at All Souls Day holidays.