LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Aabot sa bilang na 8,013 mga pulis katuwang ang sandatahang lakas at iba pang ahensya ng pamahalaan ang magtutuwang para bigyang mahigpit na seguridad ang lahat ng sementeryo sa buong Bicol Region sa pag-obserba sa buong panahon ng Undas ngayong taon.
Ayon kay Col. Nelson Pacalso, hepe ng Regional Operation Division ng Police Regional Office 5, sa mahigit 8 libong ilalatag na seguridad ay 4,622 dito ay mga pulis mula sa anim na Police Provincial Offices at Naga City Police Office; 932 augmentation force ay mula sa Philippine Army, Philippine Coastguard, at Bureau of Fire Protection; 2,459 naman na mula sa iba’t ibang advocacy groups.
Maglalatag ang PRO5 ng mga help desks sa 613 bilang ng mga sementeryo sa buong rehiyon upang may madaling lapitan ang mga mamamayan sa anumang problema at responde.
Lahat ng mga pangunahing kalsada ay lalagyan ng mga motorists assistance centers,check at chokepoints sa mga istratihikong lugar.
Mahigpit din ang police patrol visibility ang gagawin sa mga matataong lugar lalo na sa mga terminal, airports, pantalan, public markets, simbahan, plaza, malls at iba pa. Siniguro naman ni PRO5 regional director Brig.Gen.Andre Perez Dizon na ibinigay na niya ang kautusan sa lahat ng PNP personnel sa buong Bicol na gawin ang lahat para bigyang seguridad ang mga mamamayang pupunta ng sementeryo, pasyalan at mga bahay na maiiwan.
Nanawagan ang opisyal sa mga mamamayang bantayan ang mga bata at lagyan ng name tag, huwag magdala ng mga mahahalagang gamit gaya ng alahas at huwag magdadala ng mga bawal sa loob ng sementeryo.