MANILA, Philippines — Tatlo sa anim na suspek sa pagdukot sa American vlogger na si Elliot Eastman sa Sibuco, Zamboanga del Norte ang naaresto na ng pulisya.
Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PCol. Jean Fajardo na nasa kustodiya na nila ang tatlong suspek at nasampahan na ng kasong kidnapping at serious illegal detention.
Ang tatlo ay positibong itinuro ng mga saksi at pawang miyembro ng criminal gang na sangkot sa iba pang kaso.
Pinaghahanap naman ang tatlong iba pa matapos tukuyin din ng mganaarestong mga suspek.
Gayunman, wala namang maibigay na impormasyon ang tatlong suspek sa posibleng lokasyon ni Eastman at mga abductors nito.
Wala ring natatanggap ang pulisya at maging ang pamilya nito ng anumang demand o ransom. Wala ring proof of life.
Nasa P500,000 na ang reward sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon kay Eastman na dinukot noong Oktubre 17 ng apat na kalalakihan sa loob ng kanyang bahay sa Sibuco at nabaril nang tangka nitong tumakas bago isinakay sa isang banca.