Panic buying sa Albay, CamSur: Petrolyo nagkakaubusan na

Simula noong Huwebes ay nagsimula nang humaba ang pila ng mga motorista sa mga gasolinahan dahil sa papaunting suplay. 
STAR/File

Legazpi City, Albay, Philippines — Walong araw makalipas ang bagyong Kristine ay pahirapan pa ring makalusot ang mga trucks lalo na ang may dala ng iba’t ibang produkto ng petrolyo kaya nagkakaubusan na ng suplay ng gasolina at krudo at nagsimulang magkaroon ng panic buying ng naturang produkto sa mga lalawigan ng Albay at Camarines Sur.

Simula noong Huwebes ay nagsimula nang humaba ang pila ng mga motorista sa mga gasolinahan dahil sa papaunting suplay. 

Maraming gasoline stations na ang nagsara lalo sa Legazpi City dahil sa pagkaubos ng stocks at limitado ang dating ng mga lorry trucks dahil hirap na daanan ng mga kalsada.

Sa Camarines Sur ay ilang araw na nagkaubusan ng suplay ang mga gasolinahan sa iba’t ibang bayan. Sa Naga City mismo ay pahirapan sa paghanap lalo na sa krudo at unleaded gasoline. 

Ayon kay Lizel Sapinoso Macatangay, acting regional director ng Philippine Information Agency-Bicol, siya mismo ay nahirapang mag­hanap ng krudo noong Lunes para sa kanyang sasakyan kaya nang makahanap ay nag-full tank na.

Agad umaksyon si Office of Civil Defense-Bicol regional director Claudio Yucot at sumang­guni sa mga nagbabantay na pulis sa Milaor area na bigyang prayoridad ang mga trucks na may dalang petroleum products na makalusot sa mahabang pila. May ilan na umanong nakarating sa ilang bahagi ng rehiyon. 

Nakipag-ugnayan na rin umano si Yucot sa mga fuel tanker mula sa Visayas region na magbaba ng krudo at gasolina sa mga pantalan ng Sorsogon para sa pangangailangan ng rehiyon.

Noong isang araw ay binuksan na ang bahagi ng highway sa Milaor at San Fernando para sa mga trucks, bus at matataas na uri ng sasak­yan pero muling isinara ng mga nagbabantay na pulis makaraang ilang kotse at maliit na uri ng sasakyan ang nagpumilit na lumusot at tumirik sa baha kaya muling bumara at hindi madaanan ang kalsada.

Kahapon ay muli na namang binuksan ang highway sa lahat ng sasakyan.

Show comments