Mangingisda gutay sa sumabog na dinamita

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Mario Establiceda, 40, may live-in partner at residente ng Sitio Bagong Silang ng nasabing barangay. 
STAR/File

BURDEOS, Quezon, Philippines — Patay ang isang ma­ngingisda makaraang masabugan ng “bigas-bigas” o dinamita na kanyang ginagamit sa ilegal na pangingisda sa karagatang sakop ng Sitio Pandam, Barangay Calutcot sa bayang ito, kamakalawa ng umaga. 

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Mario Establiceda, 40, may live-in partner at residente ng Sitio Bagong Silang ng nasabing barangay. 

Base sa salaysay sa himpilan ng pulisya ni Richard Legazpi, bandang alas-10:00 ng umaga habang sakay siya ng maliit na bangka at nangingisda sa layong 200 metro mula sa bangka ng biktima nang makarinig siya ng malakas na pagsabog. 

Mabilis na tinungo ni Legazpi ang kinaroroonan ng biktima subalit hindi niya ito natagpuan at tanging ang bangka lamang na wasak ang magkabilang katig ang naroroon sa lugar. 

Mabilis na bumalik sa pampang si Legazpi at humingi ng tulong sa mga otoridad upang hanapin ang biktima. 

Bandang alas-2:00 na ng hapon nang matagpuan ang walang buhay na katawan ng biktima sa may limang metrong lalim ng dagat at may malaki itong sugat sa dibdib, mukha, at parehong hita. Putol din ang kanang kamay at kaliwang hinlalaki nito.

 Ayon sa mga otoridad, naaresto noong 2013 ang biktima dahil sa paggamit umano nito ng kaparehong pampa­sabog sa kanyang pangingisda.

Show comments