2 tanod patay sa pananambang sa Basilan

Satellite image shows Basilan.

COTABATO CITY , Philippines — Agad na namatay sa mga tama ng bala ang dalawang barangay tanod nang tambangan ng mga armadong kalalakihan sa isang liblib na lugar ng Barangay Tumahubong sa Sumisip, Basilan nitong Biyernes ng hapon.

Sa ulat nitong Sabado ng Basilan Provincial Police Office kay Brig. Gen. Romeo Jaime Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, magkaangkas sa motorsiklo sina Hasid Dohong Bidalul at Ridzman Saratul Asdaman nang abangan at pagbabarilin ng mga armadong nakapuwesto sa gilid ng kalye sa isang lugar sa naturang barangay.

Ang dalawa ay mga aktibong miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team na nasa pamamahala ng local go­vernment unit ng Sumisip.

Nagtutulungan na ang mga barangay officials ng Tumahubong at at mga imbestigador ng Sumisip Municipal Police Station sa pagkilala sa mga nag-ambush sa dalawa upang masampahan ng kaukulang mga kaso, ayon kay Macapaz.

Show comments