10-anyos nene, pisak sa bumagsak na puno!

3 pang kapamilya sugatan

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Taytay Municipal Police na isang 10-gulang na batang babae ang nasawi, habang sugatan ang kapatid at mga magulang nito matapos mabagsakan ng puno ng mangga, sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Krisitine noong Huwebes, Oktubre 24.

Kinilala ang nasawi na si Cristine Umapas Costillas dahil sa tinamong mga matinding pinsala at sugat sa katawan.

Ang mga sugatan na iba pang miyembro ng pamilya ay sina Rotchel Umapas, Richard Ponce Costillas, at Charles Umapas Costillas, 13 anyos, pawang residente ng Sitio Bilucao, Barangay Dolores, Taytay, Rizal.

Sa imbestigasyon, dakong alas-7:00 ng gabi nang maganap ang insidente.

Nasa loob ng kanilang tahanan ang pamilya Costillas nang bagsakan sila ng puno ng mangga na nakatanim sa mismong likod-bahay.

Isinugod sila sa pagamutan subalit ilang oras lang ay idineklarang patay ni Dr. Janice Mejia ang nasa­bing bata.

Show comments