LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Kalunus-lunos ang sinapit ng hindi pa nakikilalang driver nang matusta makaraang masunog ang minamanehong pampasaherong jeepney nang biglang sumabit ito sa kawad ng kuryente sa kahabaan ng kalsada sa harap ng Tanchuling Hospital at SSS-Legazpi City Office sa Brgy.24, dito sa lungsod, kahapon ng tanghali.
Patuloy na kinikilala ng awtoridad ang biktimang driver ng pampasaherong jeepney na may plate number EVU-299 na may rutang Legazpi City-Polangui na bagama’t nakalabas pero inabot pa ng nagliliyab na behikulo.
Sa ulat, pasado alas-12 ng tanghali habang binabagtas ng naturang jeepney ang kahabaan ng naturang kalye nang aksidenteng sumabit ang sasakyan sa nakalambiting kawad ng kuryente dahilan para kumislap ito at biglang nagliyab.
Ayon sa mga nakasaksi sinubukan pa sanang lumabas ng driver pero nakuryente ito at bumagsak sa kalsada katabi ng minamanehong sasakyan. Dahil sa lakas ng apoy ay inabot ang biktima dahilan para masunog ang buong katawan nito.
Sinubukang tulungan ang driver ng napadaang mga kasapi ng SWAT-Team ng Legazpi City Police Station pero umatras ang mga pulis dahil sa malakas na boltahe ng kuryente.