Bicol region naka-red alert kay ‘Kristine’
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Isinailalim na kahapon ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC) na pinangungunahan ni Office of Civil Defense-5 regional director Claudio Yucot sa “red alert status” ang buong Kabikolan dahil sa papalapit na sama ng panahon dala ng bagyong “Kristine.”
Sa atas ni Yucot, lahat ng mga goverment response agencies, lokal na pamahalaan at stakeholders sa rehiyon ay magkaroon ng mahigpit na koordinasyon at maging alerto.
Inaabisuhan din ang lahat na ihanda na ang lahat ng regional assets para sa pagresponde sa mga mangangailangang mga lokal na pamahalaan sa buong rehiyon.
Nagkaroon na ng pre-disaster risk response teleconference ang RDRRMC na dinaluhan ng bawat kasaping ahensya. Dito inihayag ni DSWD regional director Norman Laurio bilang regional cluster response head, ang kahandaan ng kanilang ahensya sa bawat lalawigan upang tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan sa panahon ng kalamidad.
Nagpalabas na rin ang Mines and Geosciences Bureau 5 ng mga lugar sa rehiyon na namemeligro sa mga pagbabaha at landslides.
Simula kahapon ay sinuspinde na ng Philippine Coast Guard ang paglalayag ng mga barko sa karagatan ng rehiyon dahilan para umabot na sa 782 ang stranded na mga pasahero, 88 na rolling cargo at 14-barko ang hindi nakabiyahe. Pinakamaraming stranded ang Tabaco City Port sa Albay na may 502 pasahero; habang 123 sa Matnog Port sa Sorsogon.
Suspendido na rin ang mga klase sa lahat ng antas sa Camarines Sur at anim na LGU sa Albay kasama na ang Legazpi City.
- Latest