Delivery rider pinatay ng kaaway paglabas ng barangay hall

Kinilala ang biktimang si Rowell Dela Cruz, J&T driver at residente ng Brgy. Malis habang ang suspek ay kinilalang si Jojo Emelo.
STAR/File

MANILA, Philippines — Patay ang isang 42-anyos na lalaking rider matapos pagbabarilin sa ulo ng kaa­litan sa paglabas ng barangay hall sa Guiguinto, Bulacan.

Kinilala ang biktimang si Rowell Dela Cruz, J&T driver at residente ng Brgy. Malis habang ang suspek ay kinilalang si Jojo Emelo.

Sa report ng Guiguinto police station, naganap ang insidente bandang alas-9:00 ng umaga nitong Oktubre 16 sa kalapit na kapilya at tanggapan ng Brgy. Tiaong.

Ayon sa imbestigasyon, nagpunta ang biktima bandang alas-8:15 ng umaga sa barangay hall para maghain ng reklamo sa suspek dahil sa kanilang hindi pagkakaintindihan.

Nang lumabas ang biktima sa barangay ay inabangan na pala ito ng suspek hanggang sa matiyempuhan sa harap ng kapilya at pinagbabaril na agarang ikinamatay nito.

Nabatid na agad tumakas ang suspek lulan ng tricycle sa direksyon ng bypass road, Brgy. Tiaong.

Dahil dito, agad rumesponde ang mga pulis sa lugar at nagsagawa ng follow-up operation para sa ikadarakip ng suspek.

Sinasabing posibleng nag-ugat umano ang sigalot sa away bata hanggang sa ­umabot sa away ama at nauwi sa pamamaril.

Show comments