Karpintero pinalakol sa ulo ng utol, patay

Sa report ng Naguilian Police, kinilala ang nasawing biktima na si Jimmy Lobendino, 36, isang karpintero at residente sa nasabing lugar.

SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Patay ang isang lalaki matapos sibakin sa ulo ng kanyang kapatid gamit ang palakol sa Barangay Villapaz, Naguilian sa lalawigang ito ng Isabela kamakalawa ng gabi.

Sa report ng Naguilian Police, kinilala ang nasawing biktima na si Jimmy Lobendino, 36, isang karpintero at residente sa nasabing lugar.

Ang suspek naman na itinago sa pangalang Dario, 42, ay nakatatandang kapatid ng biktima.

Batay sa inisyal na ulat sa pulisya, nag-inuman umano ang magkapatid kasama ang kanilang bayaw nang magkaroon sila ng mainit na pagtatalo.

Dito na umano dumampot ng palakol ang suspek at hinataw sa ulo ang kanyang kapatid.

Naisugod pa sa pagamutan ang biktima ngunit idineklara itong dead-on-arrival.

Nasa pangangalaga na ng pulisya ang suspek matapos arestuhin ng mga rumespondeng kasapi ng pulisya.

Show comments