Mangingisda, 46 araw nagpalutang-lutang sa dagat, nasagip

LUCENA CITY, Philippines — Muli nang makakapiling ng ma­ngingisdang si Robin Dejillo ang kaniyang pamilya sa Barangay Dinahican, Infanta, Quezon matapos masagip nang 46-araw na nagpalutang-lutang sa karagatan ng Batanes. 

Matapos ang halos dalawang linggo nitong pagpapagaling sa Batanes General Hospital, pauwi na ang “survivor” na si Tatay Robin at siya ay sinundo ni Infanta Vice Mayor LA Ruanto sa tulong ni Gover­nor Dra. Helen Tan, mga lokal na pamahalaan ng Batanes at ng Philippine Coast Guard (PCG).

Hinangaan ang 50-taong gulang na mangingisda na naunang napaulat na nawawala noong ­Agosto matapos hindi makabalik sa mother boat nang mawalan ng gasolina ang sinasakyang bangka.

Nakaligtas umano siya dahil sa pag-inom ng tubig-ulan, pagkain ng isda at niyog na naanod ng dagat.

Samantala ayon kay Ruanto, ipinagpaliban muna niya pansalamantala ang paghahain ng certificate of candidacy para sa pagka-alkalde upang sunduin at tulungang makabalik sa kanilang bayan si Tatay Robin.

Show comments