Motor shop sa Imus hinoldap, suspek timbog!

CAVITE, Philippines — Natangay ang kinita sa loob ng 1 araw ng isang motor shop makaraang pasukin at holdapin ng 2 armadong suspek kamakalawa ng gabi sa Brgy. Pasong Buaya 1, Imus City.

Sa ulat, alas-7 ng gabi habang nag-aayos ng gamit ang negosyanteng si Rolly Aguila, 28, ng Brgy. Buncadala 1, Imus City, para magsara na sana ng kanyang Motowoodz Motorcycle Shop nang biglang sumulpot ang dalawang suspek.  Agad siyang nilapitan ng dalawa saka tinutukan ng baril at nagdeklara ng holdap.

Mabilis na kinulimbat ng mga suspek ang cellular phone ng biktima at perang kinita ng shop na nasa P10,000, saka tumakas sakay ng kulay puting van na Nissan Urvan (ATA 6441). 

Sa hot pursuit operation ng Imus City Police, naaresto si alyas Jofferson, 38-anyos, residente ng Brgy. Malagasang 1-G, Imus City, habang patuloy na pinaghahanap ang kasama nito.

Sa tulong ng CCTV footage, namataan ang mga tumakas na suspek sa parking area ng J&T Express, sa Aguinaldo Highway sa Brgy. Anabu 2-D, Imus City lulan ng nasabing get-away van.

Narekober sa suspek ang dalawang vehicle plates number ATA 6441, maiksing baril, mga bala, isang airsoft pistol at P1,580 cash. Nakuhanan din siya ng iba’t ibang identification cards, isang transparent plastic na may lamang shabu at mga drug paraphernalia.

Show comments