PRESENTACION, Camarines Sur, Philippines — Patay ang isang guro at kanyang dalawang alagang aso sa bagsik ng kamandag ng isang cobra nang matuklaw sa likurang bahagi ng kanilang bahay sa Brgy. Sta. Maria, Presentacion, Camarines Sur kamakalawa ng tanghali.
Sinubukan pang isugod ng mga kapitbahay sa St. John Hospital sa bayan ng Goa pero idineklarang patay ang biktima na kinilala lamang na si tetsir Maria, 46-anyos, residente ng naturang lugar at nagtuturo sa Lagha Elementary School.
Sa ulat, dakong alas-12 ng tanghali narinig umano ni tetsir Maria na nagkakahulan ang kanyang dalawang aso sa likod ng kanilang bahay at inakala nitong gutom na ang mga alaga kaya pinuntahan at pakakainin sana pero bigla na lang siyang tinuklaw ng cobra sa ibabang bahagi ng binti.
Agad rumesponde sa palahaw ng biktima ang mga kapitbahay at napatay ang ahas.
Binigyan muna ng CPR ang nawalang malay na biktima sa rural health unit saka isinugod sa pagamutan sa kabilang bayan pero hindi na ito umabot nang buhay makaraang magkaroon ng cardiac arrest dahil sa pagkalat ng kamandag sa kanyang katawan.
Patay rin ang dalawang alagang aso ng biktima na posibleng una nang tinuklaw ng cobra bago ang kanilang amo.