Dahil sa paninita sa parking: Mag-ama pinagbabaril todas, 1 pa sugatan!

MANILA, Philippines — Dahil sa paninita umano sa parking, isang mag-ama ang patay habang isa pa ang sugatan nang pagbabarilin ng ‘di kilalang salarin habang nakatayo ang tatlo sa parking lot ng isang palengke sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng gabi.

Kaagad na binawian ng buhay ang mga biktimang sina alyas “Phil”, 53, at kanyang anak na si “Ipe” bunsod ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, nasugatan naman at kasalukuyan nang nilalapatan ng lunas sa pagamutan si alyas “Fred”.

Nakatakas at tinutugis na ng mga awtoridad ang ‘di pa nakikilalang salarin na inilarawan lamang na nakasuot ng itim na t-shirt, itim na pantalon at itim na Balaclava Mask.

Lumilitaw sa ulat ng Antipolo City Police na dakong alas- 7:40 ng gabi nang maganap ang krimen sa parking lot ng MLQ Wet and Dry Market na matatagpuan sa F. Manalo St., sa Brgy. San Jose, Antipolo City.

Nabatid na nakatayo lamang sa lugar ang mga biktima nang dumating ang suspek at walang sabi-sabing pinaulanan sila ng bala.

Ayon sa pulisya, paninita sa parking ang pinag-ugatan ng krimen. Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa krimen.

Show comments