LEGAZPI CITY, Albay , Philippines — Umakyat na sa 2,793 mga barangay sa buong Kabikolan ang deklaradong drug cleared barangays matapos na 12 barangay ang naidagdag kahapon sa ginawang deliberasyon ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing na dinaluhan ng mga opisyal ng Police Regional Office 5, Philippine Drug Enforcement Agency-5, Department of Health, LGU at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Ayon sa ulat ng PRO 5 sa pangunguna ni regional director Brig.Gen.Andre Perez Dizon, mula sa kabuuang 3,471 bilang ng mga barangay sa buong rehiyon ay 3,175 dito ang impluwensyado ng iligal na droga.
Gayunman, dahil sa mahigpit na kampanya ng PRO5, Philippine Drug Enforcement Agency at iba pang katuwang na mga law enforcement agency ay umabot na sa 2,793 ang nalinis sa iligal na droga.
Sa ngayon, nakatutok umano sila sa natitira na lamang na 382 barangay na impluwensyado pa upang tuluyan nang maideklarang drug cleared region ang Kabikolan.