TNT preparado na sa quarterfinals

Ang acrobatic layup ni Glen Khobuntin ng TNT kon- tra kay Arvin Tolentino ng NorthPort.
PBA Image

MANILA, Philippines —  Isinara ng TNT Tropang Giga ang group stage sa pamamagitan ng panalo.

Pinabagsak ng Tropang Giga ang sibak nang NorthPort Batang Pier, 99-79, sa PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Tinapos ng TNT ang eliminasyon bitbit ang 8-2 record papasok sa crossover quarterfinals bilang No. 1 team ng Group A kata­pat ang No. 4 squad sa Group B na maaaring NLEX (4-5) o Blackwater (4-5).

Lagapak ang NorthPort sa 3-7 kasama ang apat na dikit na kamalasan.

Humakot si 6-foot-8 Poy Erram ng 17 points, 14 rebounds at 4 assists at may 15, 14 at 11 markers sina Rey Nambatac, RR Pogoy at Henry Galinato, ayon sa pagkakasunod.

“We’ve been working on our offense lately the past couple of practices,” ani coach Chot Reyes. “You see how much we struggled in our previous game when we scored only 80 points yata against Terrafirma.”

Ipinahinga ng Tropang Giga si import Rondae Hollis-Jefferson habang hindi naglaro si Batang Pier reinforcement Venky Jois dahil sa kanyang Achilles injury.

Sa likod ng 14 points ni Arvin Tolentino ay kinuha ng NorthPort ang 25-19 bentahe sa first period bago kumamada ang TNT sa second quarter tampok ang dalawang free throws ni Galinato para sa kanilang 43-31 abante sa huling 1:48 minuto bago ang halftime.

Isang 19-3 bomba ang inihulog ng Batang Pier sa pagbibida nina Tolentino at Jio Jalalon para agawin ang 50-46 kalamangan sa 7:40 minuto ng third quarter.

Matapos makuha ang 65-60 third quarter lead ay humataw ang Tropang Giga ng 14-2 atake sa likod nina Nambatac, Pogoy at Kelly Williams para muling makalayo sa 79-62 sa 7:41 minuto ng final canto.

Ang three-point play ni Galinato kay Cade Flores ang nagtaas sa TNT sa 84-67 sa huling 5:26 minuto ng laro.

Show comments