Trader tinodas sa harap ng pamilya

MANILA, Philippines — Todas ang isang trader nang pagbabarilin ng hindi kilalang salarin habang lulan ng kanyang sasakyan, kasama ang kanyang pamilya sa Teresa, Rizal, kamakalawa ng gabi.

Dead-on-the-spot ang biktimang si alyas ‘Al,’ 36, buy and sell business, at residente ng Brgy. Dalig, sa Teresa. Habang nakatakas naman ang gunman inaalam pa ng mga otoridad ang pagkaka­kilanlan.

Lumilitaw sa ini­syal na pagsisiyasat ng Teresa Municipal Police Station na dakong alas- 8:50 ng gabi nang maganap ang krimen sa tapat ng isang convenience store sa C5 Road, Barangay San Roque, sa Teresa.

Nauna rito, sakay ng kanyang sasakyan ang biktima kasama ang kanyang pamilya, nang bigla na lang dumating ang suspek, lulan ng isang puting Yamaha motorcycle.

Kaagad umano nitong binuksan ang pintuan ng sasakyan ng biktima at sa hindi pa batid na kadahilanan ay kaagad itong pinagbabaril.

Nang matiyak na napuruhan ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek, bitbit ang ‘di pa batid na kalibre ng baril na ginamit sa pagpatay.

Bigo naman ang mga testigo na maki­lala ang salarin na inilarawan lamang na nakasuot ng helmet at itim na jacket.

Masusi nang iniimbestigahan ng mga otoridad ang krimen para sa agarang ikareresolba nito.

Show comments