MANILA, Philippines — Apat ang nasawi habang tatlong estudyante ng isang Islamic school ang sugatan ng mabagsakan ng isang malaking punongkahoy dahil sa malakas na hangin nitong Biyernes sa Barangay Cabsaran sa Malabang, Lanao del Sur.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jehana Cali Alikan, 13; Janna Cali Tantaon, 12; Alisa Sa Daing, 15; pawang mag-aaral sa Al-Falah Quran Learning Centre sa naturang bayan at Sittie Hana Manioba, menor-de-edad; lahat ay mga residente ng Barangay Cabasaran, Malabang.
Sugatan naman sina Napi AbdulAzis, 18, ang driver ng tricycle, at dalawang pasahero, sina Saila Amerol, 9, at isang hindi pa nakikilalang biktima.
Batay sa report ng Malabang Police Station, naganap ang insidente bandang alas-2 ng hapon ng Biyernes sa kahabaan ng Narciso Highway, Barangay Cabasaran, Malabang, Lanao del Sur.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, patungo sa bayan ng Malabang mula Barangay Matling ang mga biktima sakay ng tricycle na payong-payong nang biglang bumagsak ang malaking puno sa kanilang daraanan dahil sa malakas na hangin at ulan sa kasagsagan ng Bagyong Bebinca.
Naisugod pa sa Dr. Serapio Montañer Hospital ang mga biktima subalit idineklara na ring patay ang apat habang patuloy na nilapatan ng lunas ang tatlo.
Nagpaabot naman ng tulong ang Ministry of Social Services and Development-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MSSD-BARMM) sa pamilya ng mga biktima.