Motor na for sale tinangay ng i-road test

MANILA, Philippines — Timbog ang isang lalaki na nagpanggap na buyer ng motorsiklo na kanyang ni-roadtest kama­kalawa ng hapon sa Brgy Lalaan 1 Silang Cavite.

Nakilala ang suspek na si alyas  Christian , 21 , residente ng Central Market Zone 4, Dasmariñas City, Cavite.

Sa ulat ng pulisya, alas-7 ng umaga ng personal na magtungo sa Silang Police ang biktimang si Joemari Ramos Cordero, 32-anyos, residente ng Adelina Conchu, Barangay Conchu Trece, Martires City, Cavite at humingi ng tulong matapos di umano’y tangayin ng suspek na nagpanggap na buyer ang kaniyang motor sa pamamagitan ng pag-post nito sa Facebook at online market .

Sa salaysay ng biktima, nag-post ito sa kaniyang facebook account at market place na ibinebenta ang kaniyang Suzuki Raider na may plate number 1303-00000780013.

Agad umanong nag-message dito ang suspek at sinabing bibilhin ang nasabing motor. Nag meet up naman ang da­lawa at sinabi ng suspek na gusto niya itong i-road test para sigurado.

Pumayag naman ang biktima subalit kinabahan na umano ito ng halos umabot na sa kalahating oras ay hindi pa rin ito bumabalik.

Nang umabot na sa isang oras ay dito na ito nag-report sa pulisya na agad nagsagawa ng follow up na ikinaaresto ng suspek. Nabawi naman ang nasabing motor .

Kasalukuyan ng nakakulong ang suspek at sinampahan ng patong patong na kaso.

Show comments