Batang babae pinatay, isinako sa Rizal

Ang biktima na kinilala lang sa alyas na “Ryka”, 8, residente ng Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal ay una nang iniulat na nawawala ng kanyang mga kaanak noon pang Miyerkules.
STAR/File

MANILA, Philippines — Isang batang babae ang natagpuang patay at nakasilid sa sako sa Taytay, Rizal kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na kinilala lang sa alyas na “Ryka”, 8, residente ng Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal ay una nang iniulat na nawawala ng kanyang mga kaanak noon pang Miyerkules.

Batay sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, dakong alas-12:00 ng hatinggabi nang ma­diskubre ang bangkay ng batang biktima sa Lupang Arenda sa Brgy. Sta. Ana.

Isang 43-anyos na ginang ang napadaan sa lugar at nakadis­kubre sa asul na sako, na inabandona sa harapan ng isang nakaparadang sasakyan doon.

Kaagad umanong ini-report ng ginang sa mga awtoridad ang kahina-hinalang sako at dito na nadiskubre ang bangkay ng batang babae.

Isinasailalim pa sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang matukoy ang dahilan ng pagkamatay nito at kung biktima rin panggagahasa.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang may kagagawan sa karumal-dumal na krimen.

Show comments