Bahay nilooban…Kagawad, ina kinatay ng kapitbahay!

MANILA, Philippines — Patay ang isang 55-anyos na barangay kagawad at ang 84-anyos na ina nito matapos na pagsasaksa­kin ng kanilang kapitbahay na nanloob sa kanilang tirahan sa bayan ng Rizal, sa Laguna nitong Lunes ng madaling araw.

Sa imbestigasyon, nadiskubre ang bangkay nina Edwardo Castillo, kagawad ng Brgy. Pauli 2, at ang inang si Catalina sa loob ng kanilang bahay sa nasabing barangay dakong alas-8:30 ng umaga.

Ayon kay PMSG Ronald Balbuena, imbestigador ng Rizal Municipal Police Station, nangyari ang insidente bandang alas-2:30 ng madaling araw habang natutulog ang mag-ina.

Pinasok ang mag-ina ng suspek na si alyas Bating at tangkang pagnakawan subalit nagi­sing ang kagawad at nakilala ang suspek kaya nagkaroon sila ng komosyon sa loob hanggang sa pagsasaksakin ng suspek ang mag-ina na agad nilang ikinasawi.

Naaresto naman ng mga awtoridad ang suspek sa follow-up operation.

Ayon pa sa imbestigasyon, lasing ang suspek nang gawin ang krimen.

Nakakulong na sa Rizal MPS locked up jail ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong 2-counts of murder.

Show comments