MANILA, Philippines — Nasa 21 commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nag-apply ng amnestiya sa pamamagitan ng Local Amnesty Board sa Cotabato City.
Ito ang nabatid base sa report ng National Amnesty Commission (NAC) nitong Lunes kung saan kabilang sa mga nag-apply ng amnestiya sa gobyerno ay mga top commander ng MILF na ngayon ay kasama na sa Members of Parliament (MP) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang “ceremonial submission” ng 21 MILF Commander ay sinaksihan ng mga opisyal ng Government of the Philippines-Moro Islamic Liberation Front (GPH-MILF) Peace Implementing Panel, nina ret. AFP Gen. Cesar Yano at Minister Mohagher Iqbal.
Ayon sa NAC, ang pagkakaloob ng amnestiya sa MILF rebels ay bahagi ng kasunduan sa pagitan ng gobyerno sa ilalim ng Annex sa Normalization of the Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (NCAB).
Sa kasalukuyan ayon sa NAC ay natatamo na ang pagsulong ng kapayapaan kung saan aabot na sa 77 MILF members at mga commanders ang nag-apply ng amnestiya simula nang ialok ito ng gobyerno.
Base pa sa tala ng NAC, umpisa noong Setyembre 4 ng taong ito nang magsimula silang tumanggap ng aplikasyon sa amnestiya, umabot na sa 909 kanilang natanggap na aplikasyon.
Nabatid na bukod sa MILF kabilang pa sa mga pinagkakalooban ng amnestiya ay ang mga armadong grupo na nagbalik-loob sa gobyerno na kinabibilangan ng CPP-New People’s Army (CPP-NPA), Moro National Liberation Front (MNLF), Rebolusyonaryong Partidong Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade signaling a notable shift towards unity and reconciliation.
Samantalang itinakda naman ang palugit sa paghahain ng aplikasyon sa amnestiya sa Marso 2026.