5 obrero nakuryente, 3 tepok!

Tatlo sa limang obrero ang patay matapos silang makuryente habang nagkakabit ng streetlight sa Brgy. Queborac, Naga City, Camarines Sur kahapon ng hapon.
Jonel Agagad Bonafe

NAGA CITY, Camarines Sur, Philippines — Nangisay at agarang nasawi ang tatlong construction worker habang nasa kritikal na kondisyon ang dalawa pang kasamahan matapos silang makuryente habang nagkakabit ng streetlight sa Brgy. Queborac, dito sa lungsod, kahapon ng hapon.

Kinilala ang mga nasawi na sina Amador Vergara, 27-anyos ng Brgy.Colasi, Mercedes, Camarines Norte; Juanito Dio, 40-anyos, ng Brgy.San Vicente, Sipocot, Camarines Sur; at John Robert Alonsabe, 30-anyos, residente ng Brgy. Mangmuntay, Basud, Camarines Norte.

Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa ospital sina “Anton”, 24-anyos; at “Joe”, 36-anyos.

Sa ulat, mag-aalas-2 ng hapon magkakatulong na itinatayo ng mga biktima ang bakal na poste ng solar powered streetlight nang aksidenteng tumama ito sa live wire ng Casureco ll.

Bunsod nito, magkakasabay na nangisay ang lima at karamihan walang malay na bumag­sak. Agad silang sinaklolohan ng mga kasamang trabahador at isinugod sa pamamagitan ng dumating na ambulansya sa Bicol Medical Center kung saan tatlo sa mga biktima ang nasawi habang nilalapatan ng lunas.

Show comments