CAVITE, Philippines — Dahil sa sobrang lakas ng alon sanhi ng pananalasa ng bagyong Enteng, isang malaking barge ang sumadsad sa pantalan ng Brgy. Wawa 2 Rosario, dito sa lalawigan kahapon.
Nangangamba ang mga residente ng nasabing lugar hinggil sa malapit na ito sa kanilang mga kabahayan at sa laki nito ay siguradong magigiba ang kanilang mga bahay kapag tuluy-tuloy pang hampasin ng dambuhalang mga alon.
Habang sinusulat ang ulat na ito, pinagtutulungan nang hilahin ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang sumadsad na barko na sinasabing pahirapan dahil sa lakas ng mga alon ng karagatan.
Ang nasabing malaking barge ay isang flat-bottomed boat na ginagamit para sa transporting goods o panghakot ng mga buhangin at iba pang kagamitan sa dagat.