MANILA, Philippines — Pormal nang naipagkaloob ng National Housing Authority (NHA) ang P5-milyong tseke sa bayan ng Talaingod para sa Balai Himulayanan Housing Project sa Davao del Norte.
Ayon kay NHA Assistant General Manager Alvin Feliciano, ang naturang pondo ay ibinigay kay Talaingod Mayor Jonnie Libayao bilang bahagi ng pangalawang tranche ng kabuuang P20 milyong pondo para sa pagpapatayo ng 100 pabahay sa mga miyembro ng katutubong Ata-Manobo sa Sitio Lomondong, Brgy. Dagohoy, Talaingod, Davao del Norte.
Sa ilalim ng Housing Assistance Program for Indigenous Peoples (HAPIP), pinagkaloob ng NHA nang libre ang Balai Himulayanan sa mga pamilyang Ata-Manobo bilang benepisyaryo ng Pabahay kung saan ang bawat tahanan ay nagkakahalaga ng P200,000.
Samantala, may 1,900 Dabawenyo ang nagbenepisyo sa isinagawang “People’s Caravan: Serbisyong Dala ay Pag-asa” ng NHA sa municipal ground, LGU-Magsaysay Davao del Norte. Ang mga benepisyaryo ay mula sa 14 resettlement sites ng Magsaysay Permanent Housing Project ng ahensiya.
Katulong ng NHA sa Caravan ang DOH, PNP, DOLE, Public Employment Services Office (PESO), Public Attorney’s Office (PAO); PhilHealth, SSS, Pag-IBIG Fund, PCSO, DMW, OWWA, Cooperative Development Authority (CDA) at Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD); at onsite internet connectivity ng Department of Information and Communication Technology (DICT) gayundin ang NBI, DA- BFAR at BPI , DSWD, LTO , PSA at iba pa.