DUPAX DEL NORTE, Nueva Vizcaya, Philippines — Nasa 25 dialysis patients ang tumanggap ng kanilang regular cash aid mula sa local government ng Dupax del Norte kahapon.
Ayon kay Mayor Timothy Joseph Cayton, ang nasabing tulong-pinansyal ay regular na natatanggap ng mga pasyente bawat quarter bilang bahagi ng ordinansa na ipinasa ng Sangguniang Bayan ng Dupax del Norte.
Sinabi ni Cayton na bawat isa sa mga pasyente ay nakatanggap ng P5,000 at inaasahan aniya na madaragdagan pa ito sa susunod na taon sa tulong ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan.
Hinikayat naman ni Vice Mayor Victorino Prado ang mga pasyente na huwag sumuko o mawalan ng pag-asa at patuloy lamang na kumapit sa Diyos na siyang nagbigay ng buhay sa bawat isa.
Ang ayuda para sa mga dialysis patients ay isang programa na tanging ang LGU ng Dupax del Norte ang nagpapatupad.
Ang LGU Dupax del Norte ay nakilala sa buong bansa dahil sa mga tulong-pinansyal na ibinibigay sa lahat ng sector na naging susi para matanghal itong kampeon sa larangan ng social services.